Mas pinalalakas ng Pangasinan State University (PSU) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kanilang pagtutulungan sa mga pananaliksik, extension programs, at makabagong teknolohiya na layuning mapaunlad ang kabuhayan ng mga Pangasinense at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral at manggagawa sa lalawigan.
Sa isinagawang pagpupulong kay Governor Ramon V. Guico III, iniharap nina PSU President Dr. Elbert M. Galas ang ilang panukalang proyekto at inobasyon.
Kabilang dito ang paggamit ng Electrodialysis Reversal (EDR) salt technology, isang makabagong teknolohiyang binuo ng PSU-DOST ASIN National Research and Development Center sa Binmaley sa ilalim ng DOST NICER Program.
Kayang makalikha ng de-kalidad na asin ang EDR machine sa loob lamang ng ilang oras, na nagsisilbing moderno, episyente, at hindi naaapektuhan ng kondisyon ng panahon kumpara sa tradisyunal na paraan ng paggawa ng asin.
Inaasahang gagamitin ang teknolohiyang ito sa salt farm ng Pamahalaang Panlalawigan sa Bolinao upang mapataas ang produksyon at makatulong sa pagpapalakas ng industriya ng pag-aasin sa Pangasinan.
Layunin ng panukalang ito na pagsamahin ang lokal na pananaliksik at makabagong teknolohiya upang direktang makinabang ang mga lokal na salt farmer at mapalakas ang ekonomiya ng lalawigan.
Sa pamamagitan ng kolaborasyong ito, target na maging pangunahing lugar ang Pangasinan sa pagsubok at pagpapaunlad ng EDR technology bago ito maipalawak sa iba pang rehiyon sa bansa at maging sa pandaigdigang merkado.
Tinalakay rin sa pulong ang freeze-dry food innovation, isang teknolohiyang idinisenyo upang mapanatiling ligtas at mas matagal ang shelf life ng mga masusustansyang pagkain.
Inaasahan itong magiging mahalagang suporta sa food security lalo na sa mga pamilyang maaapektuhan ng kalamidad at iba pang emergency situations.
Ayon sa PSU, magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng unibersidad sa Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Dr. Galas upang maisulong pa ang mga pananaliksik, extension programs, at iba pang inobasyon na makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng Pangasinan at sa kapakanan ng bawat Pangasinense.










