DAGUPAN CITY- Itinuturing na catch basin sa bayan ng Calasiao ang Barangay Lasip o bahain Lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Bilang tugon, isinulong ang pagpapatayo ng kalsadang may kasamang drainage system na ngayon ay nasa 60% na ang progreso.
Ang proyektong ito ay pinangunahan ni 3rd District Congresswoman Rachel Arenas sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na may kabuuang pondo na mahigit ₱85 Milyon.
Ikinuwento ni Brgy. Capt. Dante Fernandez na mula pagkabata ay nararanasan na niya ang malalim na pagbaha sa kanilang lugar, kaya’t malaking ginhawa at pag-unlad ang hatid ng proyektong ito para sa buong barangay.
Ayon sa kanya, hindi lamang ang mga residente ng Lasip ang makikinabang kundi pati na rin ang mga motorista mula sa mga kalapit na bayan gaya ng San Carlos, Malasiqui, at Bayambang.
Aniya na sa unang plano, 2.6 metro ang taas ng kalsada ngunit walang kasamang drainage.
Hindi ito inaprobahan matapos ang pagpupulong sa pagitan ng DPWH, Municipal Engineering Office, at mga contractor.