Ipinagmalaki ng Barangay Caranglaan sa pamumuno ni Barangay Captain Gregorio Claveria Jr. ang kanilang proyektong installed CCTV with high technology public address system na kauna-unahan sa Dagupan City.
Ayon kay Kap. Claveria umaabot sa 36 na mga cctv na ang nailagay sa buong barangay kung saan 26 dito ay nasa highway habang 16 naman ay nailagay sa 7 sitio habang 9 naman na public address system na nasa mga strategic location.
Aniya na ang kabuuang budget na nagastos dito ay umabot sa 650,000 pesos na mula sa pondo ng Barangay sa ilalim ng National Tax Allotment o ang dating IRA o Internal Revenue Allotment.
Saad nito na sa ilang buwan na nilang napapakinabangan ay nakitaan ng pagbaba ng kaso ng mga krimen sa kanilang nasasakupan at nagkakapagresolba na din ng mga kaso lalo na sa mga kuha ng cctv.
Kaugnay nito, mas nakakatipid din aniya sila sa ginagamit na gasolina at effort ng mga nagrorondang tanod lalo na sa gabi dahil may mga nagbabantay na lamang ng monitor sa kanilang command center.
Bukod dito, mas naipapaalam pa sa buong caranglaan ang mga impormasyon at paalala sa pamamagitan ng pagpindot o pagsasalita gamit ang Public address system na maririnig sa layong 100 meter radius mula sa pinagkabitan ng speaker.
Ibinahagi naman nito na naging bentahe niya ang mga natutunan sa pagiging dating pulis lalo na sa seguridad kaya ito ang kanyang naging prayoridad.
Dahil sa ganitong inisyatibo ay may mga lumalapit na din aniya sa kanya na ilang kapitan na nais gayahin ang kanyang proyekto para makatulong din sa kanilang nasasakupang barangay.
Samantala , ikinatuwa ng kaniyang mga tanod at kabarangay ang ganitong proyekto dahil bukod sa napapagaan ang trabaho ng mga nagroronda ay mas nararamdaman ng bawat residente na protektado sila ng kanilang Barangay.