Nanatiling tuyo ang loob ng St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City sa kabila ng nararanasang pagbaha na lampas tuhod sa labas nito bagay na iniuugnay ng pamunuan ng simbahan sa operasyo ng kanilang flood control project.
Ayon kay Rev. Msgr. Manuel Bravo Jr., parish priest ng Simbahan naging mahalagang bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng malaking cistern o imbakan ng tubig sa loob ng compound ng katedral.
May sukat itong humigit-kumulang 9 metro ang lapad, 50 metro ang haba at 3 metro ang lalim, kung saan naiipon ang tubig-ulan at baha bago ito ilabas gamit ang mga submersible pump.
Apat na submersible pump ang kasalukuyang naka-install at awtomatikong umaandar kapag umabot sa itinakdang lebel ang tubig batay sa sensor habang may dalawa pang karagdagang pump na nakahanda sakaling kailanganin.
Ayon sa pari, umabot sa humigit-kumulang isang taon at anim na buwan ang konsultasyon at paghahanda bago tuluyang maisakatuparan ang proyekto.
Isa sa mga unang kinonsulta nila si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Babes Singson, na nagbahagi umano ng teknolohiyang ginamit sa flood control system sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Nakipag-ugnayan din ang katedral sa ilang lokal na eksperto at inhinyero upang matiyak ang maayos na disenyo at pagpapatupad ng proyekto.
Ipinaliwanag ni Msgr. Bravo na simple ang pangunahing konsepto ng sistema: sa halip na hayaang manatili ang tubig sa bakuran at paligid ng mga gusali, ito ay idinidirekta sa isang hukay o imbakan at pagkatapos ay ibinobomba palabas.
Sinabi niyang sinimulan ang konstruksyon sa kasagsagan ng pagbaha noong nakaraang taon, kaya’t naobserbahan nila ang epekto nito sa panahon ng malalakas na pag-ulan at bagyo.
Malaki man ang naging gastos sa proyekto, sinabi nito na malaking tulong ang mga donasyon mula sa mga parishioner, kabilang ang mga second collection kada linggo na inilaan para sa flood control project.
Bukod sa cistern at mga pump, kabilang din sa sinuportahan ng mga donasyon ang mga generator na magsisiguro na magpapatuloy ang operasyon ng sistema kapag kinakailangan.
Para sa kanya, hindi lamang proteksyon sa gusali ang layunin ng proyekto dahil nais din niyang manatiling ligtas at bukas ang katedral bilang kanlungan ng mga nangangailangan sa panahon ng kalamidad.
Aniya, kung kinakailangan, maaaring gamitin ng mga evacuee ang katedral dahil nananatili itong tuyo at ligtas sa kabila ng pagbaha sa labas.
Hinikayat din niya ang mga may-ari ng bahay na pag-aralan ang sariling drainage at water-management system sa kanilang mga bakuran.
Aniya, maaaring gumawa ng imbakan o hukay kung saan maaaring idirekta ang tubig-ulan at ayusin ang drainage upang hindi ito basta naiipon sa paligid ng mga bahay.
Sa kasalukuyang pagbaha, sinabi ni Msgr. Bravo na nakikita nila ang bisa ng kanilang isinagawang proyekto, ngunit patuloy pa rin silang umaasa at nananalangin na magiging tuloy-tuloy ang pagiging epektibo nito sa mga susunod pang malalakas na pag-ulan at pagbaha maging sa susunod na henerasyon.










