Dagupan City – Ibinahagi ni Maria Luisa Amor-Elduayan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapalakas ng kamalayan ng publiko hinggil sa pangangalaga ng pamanang kultural at mga makasaysayang estruktura sa Pangasinan.
Ayon sa kanya, hindi nawawala sa mga programa ng PTCAO ang adbokasiya para sa proteksiyon ng built at cultural heritage.
Sa tuwing itinatampok at ipinapakita sa publiko ang mga naibalik at naipreserbang pook tulad ng Casa Real, sa tulong ng National Historical Commission of the Philippines at iba pang katuwang, nagiging bahagi ng karanasan ng mga bisita ang paalala tungkol sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos para mapangalagaan ang mga pamana ng lalawigan.
Maging sa mga dinarayong lugar tulad ng La Banaan, patuloy na isinasama ang mensahe ng pangangalaga at pagpapahalaga sa kultura.
Binibigyang-diin din ng PTCAO na ang tagumpay ng mga programang pangkamalayan ay nakasalalay sa kooperasyon ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, tourism officers, at media, upang mas mapalawak ang abot ng impormasyon at edukasyon tungkol sa pamanang kultural.
Tungkol naman sa usapin ng kita ng mga museo, ipinaliwanag na hindi pangunahing layunin ng paniningil ng entrance fee ang mabawi ang operational cost ng mga pasilidad.
Sa halip, ikinatuwa ng PTCAO ang pagdami ng mga bisitang handang magbayad ng kaukulang halaga noong 2025, bilang patunay na unti-unti nang nauunawaan ng publiko ang halaga ng kanilang ambag sa pagpapanatili ng mga museo.
Malaki ang papel ng pagbabayad ng entrance fee sa pagpapalaganap ng tamang pananaw na ang museo ay may halaga at karapat-dapat suportahan.
Bagama’t nakasanayan ng marami na libre ang pagpasok sa mga museum na pinapatakbo ng gobyerno, layunin ng lalawigan na mahubog ang kultura ng pagpapahalaga at boluntaryong suporta, lalo na kung ang mga mamamayan ay handang gumastos sa ibang lugar ngunit nag-aatubili pagdating sa sariling probinsya.
Dagdag pa rito, ang nalilikom mula sa entrance fees at koleksiyon ng museum pieces ay hindi para sa pang-araw-araw na operasyon ng museo, kundi ginagamit upang tustusan ang mga regular na eksibisyon, partikular sa Gallery 3 o Asin Gallery ng Provincial Museum.
Sa ganitong paraan, patuloy na nasusuportahan ang mga lokal na alagad ng sining at naitataguyod ang sining at kultura ng Pangasinan.
Sa kabuuan, binigyang-diin ng PTCAO na ang tunay na halaga ng museo ay hindi lamang nasusukat sa kita, kundi sa kamalayang naibibigay nito sa publiko at sa ambag nito sa pagpapanatili ng kultura, kasaysayan, at sining ng lalawigan.










