DAGUPAN CITY — Muling ipinaliwanag ng Pangasinan Provincial Health Office sa publiko na hindi magbibigay ng 100 percent immunity ang covid19 vaccine ngunit magbibigay ito ng karagdagang proteksyon matapos magpostibo ang ilang mga bakunado nang indibidwal sa probinsya.
Ayon kay Pangasinan Provincial Health Officer Dr. Anna Marie De Guzman, ang benepisyo ng bakuna ay ang 70 percent na pagbaba ng infection risk ngunit may tyansa parin na mahawa ng covid19 ang mga naturukan na nito.
Dagdag pa dito ang benepisyo din na maibibigay ng covid19 vaccine ay hindi magproprogreso sa severe status ang nahawaan ng covid19 kung saan maiiwasan ang hospitalization at pagkasawi.
Ang pahayag ni Dr. De Guzman ay kasunod ng pagpositibo ng pitong mga indibidwal na nagpabakuna ng COVID-19 Vaccine. Nilinaw naman nito na nakatanggap lamang ng kanilang 1st dose ng bakuna kayat mas mababa ang kanilang immunity.
Nanawagan naman ang Provincial Health Office sa publiko na kahit nabakunahan na ay patuloy parin na obserbahan ang minimum public health standard. Habang ang hindi pa nakakapagpabakuna ay magpabakuna na lalo na sa mga kabilang sa priority group upang makamit ang herd immunity sa target na 1.9 million population sa probinsya upang bumalik na sa normal ang estado sa Pangasinan at magawa na ang regular na aktibidad ng mga tao dito.