DAGUPAN, CITY— Nakatakdang isagawa ng Provincial Health Office (PHO) ang contact tracing sa mga nakasalmuha ng mga bagong nagpositibo sa COVID-19 mula sa Kapitolyo ng Pangasinan.
Ito ay matapos malaman na infected sa naturang sakit ang apat na empleyado ng provincial capitol at tatlong PNP Personnel kahapon.
Kinumpirma ito sa opisyal na pahayag ng provincial government pagkaraang lumabas ang resulta ng expanded targeted mass testing na isinagawa sa lahat ng empleyado ng kapitolyo ngayong linggo.
Batay sa anusyo ng PHO, mula sa tanggapan ng PGO, GSO, PPDO, HRMDO, at Urduja House ang mga infected na mga empleyado ng naturang sakit at sa ngayon ay naka-isolate na ang mga ito.
Magsasagawa rin sila ng disinfection and sanitation sa lahat ng opisina kung saan galing ang mga nagpositibo sa nabanggit na sakit ngayong linggo upang masiguro na wala nang ibang mahawang empleyado roon.
Ayon din sa naturang anusyo, nagnegatibo naman sa isinagawang test si Governor Amado I. Espino III at tumatalima sa required quarantine protocol.
Samantala, sa kabila nito ay patuloy pa rin umano sa pagbibigay serbisyo publiko ang lahat ng mga opisina ng provincial government sa anim na araw na work week at 50% skeletal force arrangement.
Inaabisuhan din na ang lahat ng mga nagtutungo sa mga opisina sa kapitolyo na striktong tumalima sa lahat ng ipinapatupad na health protocols gaya na lamang ng physical distancing at pagsusuot ng face mask and face shield.