Nagpadala ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ng walong health workers sa Sta. Barbara Halfway House para sa mga Patient Under Investigation (PUI) na negatibo sa COVID-19 ngunit kailangan pa ring makompleto ang kanilang natitirang quarantine period.

Pinangunahan ni Provincial Health Office (PHO) Director, Dr. Anna Marie De Guzman ang unang pangkat ng health workers na mananatili sa hospital isolation extension hanggang Abril 12.

Kabilang sa mga kasama ni Dr. De Guzman ang dalawang pavilion nurses on duty, isang fetcher staff, isang admitting at sending staff, dalawang ambulance drivers at isang support staff.

--Ads--

Nagpadala rin ang Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ng mga opisyal upang may seguridad ang naturang lugar.

Pangungunahan naman ni Asst. Provincial Health Officer, Cielo Almoite ang pangalawang grupo ng health workers na magsisimula sa Abril 13.

Sasailalim naman ang mga ito sa self-quarantine matapos ang kani-kanilang duty.

Kaugnay nito ang nauna ng sinabi ng Gobernador Amado I. Espino III, ng lalawigan na kailangang ma-decongest ang mga ospital mula sa mga PUI na nasuring negatibo sa virus.

Kaakibat nito, nagpasa ang sangguniang panlalawigan ng Resolution No. 333-2020 na nagi-endorso sa mga posibleng establishimento na pansamantalang gawing holding facilities o Halfway House para sa pagkompleto at pagtalima sa 14-day quarantine period ng mga PUI na nagnegatibo sa COVID-19 dito sa lalawigan.