DAGUPAN CITY- Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang mga hakbang at bayaring kailangang sundin sa pagkuha ng Business Permit o Mayor’s Permit upang matiyak ang maayos, ligtas, at patas na operasyon ng mga negosyo sa bayan.

Bahagi ito ng patuloy na pagpapatupad ng mas sistematiko at pinabilis na proseso para sa mga negosyante.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kinakailangang punan ng mga aplikante ang application form na ini-encode ng Business Permits and Licensing Section at ibinabalik bilang Unified Form.

Ito ay dinadala sa Business One-Stop Shop para sa clearance mula sa Rural Health Unit, Engineering Office, Zoning Division, at Bureau of Fire Protection bago mailabas ang Tax Order of Payment at maisagawa ang pagbabayad sa Treasury Office.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nagkakaiba-iba ang halaga ng business permit fee batay sa laki at uri ng negosyo. Kabilang sa mga bayarin ang sanitary at medical fees, documentary stamp tax, barangay clearance, at business plate o sticker.

--Ads--

Para sa renewal ng permit, idinadagdag ang business tax na nakabase sa gross receipts ng negosyo noong nakaraang taon, alinsunod sa local revenue code.

May hiwalay ding bayarin para sa Mayor’s Permit ng mga tsuper ng tricycle at pedicab, gayundin ang engineering at fire safety inspection fees para sa mga establisimyento.

Paalala ng pamahalaang bayan, ang mga prosesong ito ay mahalaga hindi lamang sa regulasyon ng negosyo kundi lalo na sa kaligtasan ng publiko at mga negosyante.