DAGUPAN CITY–Ipinaliwanag ng Department of Education Region 1 ang proseso ng tinatawag na modular learning na kabilang sa blended learning na siyang nakatakdang gamitin sa pagsisimula ng pasukan.

Ayon kay Cesar Bucsit, Spokesperson Deped Region 1 pagdating sa pagdidistribute ng modules sa mga learning materials ay manggagaling muna ito sa central office, patungo sa regional offices bago maibigay sa mga school division offices at ang mga SDOs na ang siyang magbibigay ng mga ito mismo sa bawat eskwelahan.

Kung mayroon na aniyang mga modules ay kinakailangan itong kunin ng mga magulang sa eskwelahang pinapasukan ng kanilang mga anak at dapat ay may suot itong face mask at face shield at obserbahan pa rin ang social distancing.

--Ads--

Wala naman umanong dapat na ikapangamba ang mga magulang dahil titiyakin nilang masusunod ang mga ipinapatupad na health protocols sa loob ng eskwelahan.

Kung sakali naman na hindi makapunta ang mga magulang sa eskwelahan ay nakipag ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa mga LGUs na sila ay magiging parte at tutulong sa pagbibigay ng mga modules kasama ang mga guro.

Samantala sa ngayon ay wala pa umanong specific na petsa kung kailan sisimulan ang pagdidistribute ng mga modules ngunit titiyakin nilang matatapos ito bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.