Nagkasundo ang House Prosecution Panel at Defense Panel na tanggapin ang ilang magkakaparehong dokumento bilang ebidensiya sa pagpapatuloy ng impeachment trial kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ngayong Lunes, Agosto 3. Layunin nitong mapabilis ang pagdinig dahil hindi na kailangang patunayan pa ang pagiging tunay ng mga napagkasunduang dokumento.
Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, unang hiniling ng prosekusyon ang pag-stipulate ng mga common exhibits. Pumayag ang depensa sa ilang documentary evidence ngunit tumutol sa 845 acknowledgment receipts at sa isang proposed stipulation kaugnay ng paggamit ng confidential funds noong Disyembre 2022.
Kabilang sa mga pinagtibay ng magkabilang panig ang ilang dokumento tungkol sa confidential funds ng Department of Education at Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, pati ang pagiging tunay ng mga lagda ng mga awtorisadong lumagda. Hindi kabilang sa kasunduan ang isang proposed stipulation na may kaugnayan sa paggastos ng confidential funds ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Ayon sa prosekusyon, umabot sa 10 kahon ng mga dokumento o halos dalawang-katlo ng kabuuang 15 kahon ng ebidensiya ang hindi na kailangang isa-isang iharap. Inaasahang makatutulong ito upang maging mas maayos at mas mabilis ang pagpapatuloy ng paglilitis.










