DAGUPAN CITY- Nagpahayag ng suporta ang ilang Internet Service Providers o ISPs sa Dagupan City sa panukalang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod na naglalayong ipagbawal ang pornograpiya sa lungsod.

Layunin ng ordinansa na pigilan ang pag-access, pag-download, at pagpapakalat ng anumang uri ng pornograpikong materyal lalo na sa mga pampublikong lugar tulad ng internet cafés, paaralan, at iba pang espasyong may koneksyon sa internet.

Layon din nitong protektahan ang moralidad ng kabataan at buong komunidad laban sa masasamang impluwensiya online.

Nakasaad sa panukala na inaasahan ang pakikipagtulungan ng mga ISPs sa lokal na pamahalaan upang magpatupad ng teknolohiyang makakaharang sa mga website na may malaswang nilalaman.

Gayunman, inamin ng mga ISP na may mga teknikal at legal na limitasyon sa ganitong uri ng pagharang, lalo na’t may mga pagkakataong lumalampas sa kontrol nila ang ilang online platforms na gumagamit ng encryption o dynamic URLs.

‎Sa kabila nito, bukas ang mga ISP na makipagdayalogo at pag-aralan pa kung paano maisasakatuparan ang mas mahigpit na kontrol sa pornograpikong nilalaman.

--Ads--

Nakahanda rin umano silang makipagtulungan sa mga lokal na opisyal upang maglatag ng mga konkretong hakbang patungo sa mas malawak at epektibong implementasyon ng ordinansa.

Sa ngayon, patuloy pang tinatalakay sa konseho ang panukala at inaasahang magkakaroon pa ng mga konsultasyon bago ito tuluyang maisabatas.