Dagupan City – Nilinaw ng pamunuan ng CENPELCO na hindi pa naipatutupad ang mga panukalang magpapalawak sa saklaw ng lifeline subsidy at nananatiling mga miyembro pa lamang ng 4Ps ang direktang nakikinabang dito sa kasalukuyan.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, general manager ng CENPELCO, ang umiiral na patakaran sa ilalim ng lifeline rate ay nakatuon lamang sa mga kwalipikadong low-income consumers, partikular ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ipinaliwanag ni Corpuz na may mga naihain nang panukalang batas na naglalayong palawakin ang saklaw ng subsidiya.
Kabilang dito ang pagtaas ng threshold ng konsumo mula 50 kWh patungong unang 100 hanggang 120 kWh para sa residential consumers.
Sa ilalim ng naturang panukala, ang lalagpas lamang sa itinakdang konsumo ang sisingilin ng regular na rate, habang mananatiling may diskwento ang bahagi ng konsumo na pasok sa itinakdang threshold.
Gayunman, binigyang-diin niya na ang mga panukalang ito ay hindi pa naaaprubahan at hindi pa naipatutupad.
Dahil dito, hindi pa maaaring makinabang ang lahat ng residential consumers at nananatiling limitado ang saklaw ng lifeline subsidy.
Sa kasalukuyan, ang mga rehistradong 4Ps beneficiaries pa lamang ang kinikilalang awtomatikong kwalipikado sa programa, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Dagdag pa ni Corpuz, hangga’t hindi pa naaamyendahan ang batas, mananatiling 4Ps members at mga pasok sa 50 kWh consumption limit ang saklaw ng programa.
Hinihintay na lamang aniya ang pag-usad at pag-apruba sa mga panukalang batas upang mas marami pang residential consumers ang makinabang sa subsidiya sa kuryente at tuluyang mapalawak ang saklaw ng lifeline rate sa bansa.










