DAGUPAN, CITY— Isang malaking ‘insulto’ para sa mga Filipino nurses ang ginawang promotional video ng Stunburg College sa Canada dahil sa mali umanong paglalarawan ng kanilang kakayahan sa nabanggit na propesyon.
Ayon kay Bombo International Correspondent Atty. Arnedo Valera, gumamit umano ng masama at negative na paghimok ang nabanggit na paaralan sa mga Filipino students na nais kumuha ng kurso o training.
Nakasaad umano sa nabanggit na video ang panghihikayat sa kanila na kinakailangan pa ng mga Filipino nurses na kinakailangan pa ng mga ito na mag-aral sa kanilang paaralan upang mas humusay pa sa propesyon dahil kulang pa umano sa theory ang mga ito.
Naroon din aniya ang pambabatikos ng promotional video sa practices ng mga kababayan nating mga nurses at maging ng healthcare system ng Pilipinas.
Kaya naman sinabi ni Valera na kailangan ng naturang paaralan na magbigay ng kanilang public apology sa Filipino nursing community hindi lamang sa Canada kundi maging sa pangkalahatan at magbigay ng scholarship grants sa mga Pinoy na naka-enrol ngayon sa kanilang pangangalaga.
Dagdag pa niya na maituturing na kabaliktaran ang nasasaad sa video dahil sa ngayon in-demand, kilala at napupuri ang mga Pinoy nurses sa buong mundo dahil sa kanila umanong pagiging reliable, compassionate, hindi matatawarang pangangalaga sa kanilang mga pasyente at madali ring makipag-ugnayan sa anumang lahi dahil sa kanilang mahusay na pakikipagtalastasan gamit ang wikang Ingles.