Tampok ang iba’t ibang housing programs na may kaugnayan sa “accessible housing and sustainable communities” sa CSI The City Mall, Dagupan bilang bahagi sa pagdiriwang ng National Shelter Month 2024.

Ang tema ng event na ito ay “Matibay na Tahanan, Matatag na Komunidad para sa Bagong Pilipinas” kung saan ikinagagalak ni Mayor Belen Fernandez na maging bahagi ang siyudad sa nasabing programa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang maiparating ang programang pabahay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH).

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ng alkalde ang mga planong housing project para sa mga mahihirap na Dagupeño at mga empleyado ng local government. Ayon sa kanya, ang 4PH program ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga Dagupeño na magkaroon ng sariling tahanan kasama ang kanilang pamilya.

--Ads--

Ipinahayag din nito ang kanyang pangako na tugunan ang pangangailangan ng mga Dagupeño para sa disenteng tirahan. Sa kanyang mga home visits at regular na pagbisita sa mga barangay, nakikita niya ang malaking pangangailangan ng mga tao sa maayos na tahanan.

Ang housing fair ay bukas para sa lahat at nag-aalok ng mga serbisyo mula sa mga pangunahing ahensya ng DHSUD, tulad ng Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, National Housing Authority, Human Settlements Adjudication Commission, at PAG-IBIG Fund.

Makikipagtulungan naman ang siyudad sa DHSUD Region 1, SHFC, at PAG-IBIG Fund para sa programang ito.