Tinatapos na ng Department of Agriculture (DA) ang draft bill na layong palakasin ang kakayahan ng National Food Authority (NFA) sa pag-istabilisa ng presyo at suplay ng bigas sa bansa isang hakbang na posibleng magbukas ng daan sa muling pag-amyenda ng Rice Tariffication Law (RTL).
Ayon kay Argel Joseph Cabatbat Chairman ng Magsasaka Patylist, buo ang suporta nila sa panukala, ngunit ayon sa ilang sektor, dapat isaalang-alang na manggaling mismo sa mga magsasaka ang nilalaman ng panukalang batas, dahil sila ang higit na nakaaalam sa aktuwal na pangangailangan ng agrikultura sa bansa.
Sa kasalukuyan, hindi makabenta ng bigas sa merkado ang NFA maliban na lamang kung may matinding sakuna.
Kung saan isa ito sa mga limitasyon ng ahensya mula nang maipasa ang RTL noong 2019 na ang pangunahing may-akda ay si Senador Cynthia Villar.
Bukod dito ay binawasan din ang kapangyarihan ng NFA bilang tugon umano sa mga alegasyon ng katiwalian, ngunit aniya hindi tamang solusyon ang paghina ng institusyon bilang tugon sa korapsyon.
Kung saan hindi dapat alisin ang mandato ng ahensya bagkus ang dapat bantayan ay ang mga taong inilalagay sa pwesto
Kaugnay nito, lumutang muli ang isyu ng P20 kada kilong bigas, na itinutulak ng kasalukuyang administrasyon.
Subalit paalala niya na kung ang resulta nito ay pagkalugi at pagkawala ng kabuhayan ng mga magsasaka, mas mabuting itigil ang plano.
Dahil ang sobrang babang presyo ay maaaring makasama sa lokal na produksyon ng bansa.