Dagupan City – Inilunsad ng Bureau of Fire Protection (BFP) Binmaley ang iba’t ibang aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month na nagsimula sa isang kick-off ceremony noong Marso 4 sa bayan ng Binmaley, Pangasinan.

Ayon kay FSINSP Ciara Ley Capule, Municipal Fire Marshal ng BFP Binmaley, nagsagawa ang kanilang tanggapan ng programa at motorcade na umikot sa iba’t ibang bahagi ng bayan bilang bahagi ng pagpapalaganap ng kamalayan hinggil sa kahalagahan ng pag-iwas sa sunog.

Kasabay nito, inilunsad din ang programang “Fire Safety All The Way” na naglalayong palakasin ang partisipasyon ng komunidad sa pagsusulong ng kaligtasan laban sa sunog.

--Ads--

Kabilang sa mga katuwang sa programa ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) at iba pang motorista sa bayan.

Sa ilalim ng programa, naglagay ang BFP ng mga tarpaulin sa mga tricycle na naglalaman ng hotline number ng Binmaley Fire Station upang mas madaling makontak ang mga bumbero sakaling magkaroon ng emerhensiya. Namahagi rin ang mga tauhan ng BFP ng mga sticker na may nakasaad na fire safety tips at contact number ng istasyon ng bumbero na ikinakabit sa mga tricycle at iba pang sasakyan.

Layunin ng inisyatibang ito na gawing mas mabilis ang pagresponde sa mga insidente ng sunog dahil kadalasang unang nakakasaksi ng mga emerhensiya ang mga tricycle driver na nagbibiyahe sa iba’t ibang lugar ng komunidad.

Patuloy din ang isinasagawang community relations activities ng BFP kung saan nagsasagawa ng mga fire safety lecture ang mga bumbero sa mga barangay gayundin sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa pag-iwas sa sunog.

Ipinapaalala rin ng BFP sa mga residente ang ilang pangunahing fire safety tips tulad ng pag-iwas sa pag-o-overload ng extension wires, pag-iingat sa pagluluto lalo na kung may mga bata sa paligid, at pagiging maingat sa pagsusunog ng basura sa pamamagitan ng paghahanda ng tubig na maaaring gamitin kung sakaling lumaki ang apoy.

Pinapayuhan din ang publiko na tiyaking nakapatay at nakasaksak ang mga appliances at kagamitang elektrikal na hindi ginagamit, lalo na kung aalis ng bahay, upang maiwasan ang posibleng pagsiklab ng sunog.

Bagama’t tuwing buwan ng Marso ginugunita ang Fire Prevention Month, patuloy na hinihikayat ng BFP Binmaley ang publiko na isabuhay ang mga hakbang sa kaligtasan laban sa sunog araw-araw dahil ang pag-iwas sa sunog ay responsibilidad ng bawat isa.