DAGUPAN CITY- Tiniyak ni Christopher Aldo F. Sibayan, ang presidente ng Samahan ng Mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), na sapat ang suplay ng bangus para sa darating na Mahal na Araw.

Ayon kay Sibayan, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga miyembro ng SAMAPA, Provincial Fishery Offices (PFO), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na walang magiging kakulangan sa suplay ng bangus sa mga pamilihan.

Sa kanyang naging pahayag, ang produksyon aniya ng mga miyembro ng SAMAPA ay umaabot pa nga hanggang sa ibang lalawigan, kaya naman hindi na dapat mag-alala ang mga mamimili dahil patuloy ang kanilang pagmumonitor at pagtiyak sa sapat na suplay.

--Ads--

Inilahad din niya na malaki ang kahalagahan ng isdang bangus bilang alternatibo sa karne, lalo na sa panahon ng Mahal na Araw, kung saan karaniwang hindi kumakain ng karne ang mga Katoliko.

Ayon sa kanya, inaasahan nila ang dagsa ng mga mamimili sa mga pamilihan sa mga darating na araw.

Dagdag pa ni Sibayan na sa nakalipas na mga linggo, wala namang naganap na pagtaas ng presyo ng bangus, at sa tingin niya ay hindi na rin ito dapat itaas sa darating na mahal na araw.

Ang mga producer aniy ay handa na, at nakaabang na ang kanilang mga stocks sa mga ganitong pagkakataon.

Bilang bahagi ng kanilang pag-iingat, hinimok niya ang mga vendor na huwag samantalahin ang pagkakataon at magtaas ng presyo ng bangus, lalo na’t kasabay ng mga pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.

Marami na aniya ang mga produkto ang nagmahal sa merkado, kaya’t sana ay maging makatarungan ang mga presyo ng bangus dahil hindi na nila aniya nais na dagdagan pa ang pasanin ng mga mamimili.

Samantala, ipinahayag din ni Sibayan ang kahalagahan ng pagtutok sa kalidad ng mga ibinebentang isda.

Kanilang tinitiyak na ang mga bangus na binebenta sa merkado ay ligtas at maayos.

Ang SAMAPA ay patuloy na nagsasagawa ng mga hakbang upang masiguro ang sapat na suplay ng bangus sa mga darating na araw ng Mahal na Araw at para mapanatili ang abot-kayang presyo ng produkto para sa mga mamimili.