DAGUPAN CITY- Inaasahan nang maaapektuhan ng matinding init ng panahon ang produksyon ng itlog sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Uyehara, Presidente ng Philippine Egg Board Association, may ilan na rin na mga poultry farms ang nakararanas ng pagbaba ng produksyon at mortalidad.
Aniya, magdudulot ito ng hindi pantay na laki ng mga itlog kung saan mas dumadami ang produksyon ng maliliit na itlog kaysa sa malalaki.
Sa huli ay makakapekto ito sa kikitain ng mga poultry farmers dahil sa pagbaba ng presyo ng mga itlog.
Dagdag pa diyan ang inaasahan na mas mataas na shortage ng produksyon sa mga susunod na buwan kung saan maaaring mas mataas ang bilang nito ngayon taon kumpara sa naranasan noong 2024.
Marami rin kase ang magiging consumer ng itlog dahil sa nagsitaasan na ang presyo ng mga karneng baboy at manok.
Gayunpaman, karagdagang demand lamang ito at mas mataas ang suplay ng itlog ngayon taon.
Sadyang inaasahan lamang ang mas matinding epekto ng summer season ngayon taon.
Maliban pa riyan, magdudulot rin ng heat stress at heat stroke sa mga manok ang matinding init ng panahon. May respiratory disease na rin na naitala sa ilang poultry farms subalit, hindi pa ito nakakabahala.
Upang mapamahalaan ito, maaaring magdagdag ng industrial fans at supplements ang mga poultry farms para mabawasan ang init.
Karamihan naman sa poultry farms ang gumagamit ng Controlled Environment Technology o ang tunnel ventilated housing facilities.
Sa pamamagitan nito, maliban sa mga mortalidad, makakatulong ito sa pagiging fresh ng isang itlog.