Apektado ng bahagyang paglamig ng panahon ngayong buwan ng Enero ang produksyon ng itlog sa bansa, ayon kay Francis Uyehara, Pangulo ng Philippine Egg Board Association, subalit tiniyak niyang sapat ang suplay ng itlog para sa mga mamimili.

Ayon kay Uyehara, bagama’t may kaunting epekto ang malamig na panahon sa produksyon, mas nagiging maginhawa ang kalagayan ng mga manok, dahilan upang mas malakas ang mga ito kumain at makapag-produce ng mas malalaki at mas maraming itlog.

Ipinunto rin niyang tuwing tag-init ay mas humihina ang gana ng mga manok sa pagkain, na nagdudulot ng pagbaba sa produksyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, matapos ang holiday season ay malaki ang ibinaba ng presyo ng itlog sa farmgate, kung saan may naitalang isang pisong bawas sa presyo kada piraso.

Mas mababa rin umano ang demand ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Paliwanag ni Uyehara, mas mataas ang demand ng itlog noong nakaraang taon dahil sa paghahanda para sa eleksiyon, dahilan ng mas mataas na konsumo.

Sa kasalukuyan, bagama’t mas mababa ang demand, nananatiling matatag ang suplay sa merkado.

Binabantayan din ng industriya ng poultry ang posibilidad ng mga sakit sa manok upang matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na produksyon.

Ayon sa Philippine Egg Board, patuloy ang kanilang mahigpit na monitoring at management, at sa ngayon ay wala namang naitatalang malawakang outbreak, kabilang ang bird flu.

Bagama’t naging mas mataas ang presyo ng itlog noong 2025, nilinaw ni Uyehara na hindi nangangahulugang malaki ang kinita ng mga poultry farm, dahil naapektuhan din ang mga ito ng iba’t ibang gastusin sa produksyon.

Umaasa ang asosasyon na manatiling stable ang presyo ng itlog — hindi masyadong mataas upang hindi pabigatan ang mga mamimili, at hindi rin masyadong mababa upang maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at poultry farmers.

Higit sa lahat, umaasa ang industriya na maging paborable ang taong ito para sa poultry sector, at nawa’y maiwasan ang pagbaba ng presyo na magdudulot ng lugi, gayundin ang anumang outbreak ng bird flu na maaaring makaapekto sa suplay at kabuhayan ng mga nasa industriya.