Matagumpay na naipatupad ni PBGen Dindo R. Reyes ang kanyang mga inisyatibo laban sa kriminalidad, ilegal na droga, loose firearms, at insurgency sa unang buwan ng kanyang panunungkulan bilang Regional Director ng Police Regional Office 1 (PRO1).

Umabot sa 135 operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa ng PRO1, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 151 suspek.

Nasamsam ang halos 979 gramo ng shabu at 799 gramo ng marijuana na may tinatayang halaga na mahigit Php 6.7 milyon.

--Ads--

Bukod pa rito, may 1,101 gramo ng shabu ang kusang isinuko sa Pangasinan PPO, na nagkakahalaga ng mahigit Php 7.4 milyon.

Sa kampanya laban sa loose firearms, 23 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 20 katao at kumpiskasyon ng 160 baril.

Nakarekober din ang PRO1 ng 17 unexploded ordnance.

Tinatayang 310 wanted persons ang nadakip, kabilang ang 47 Most Wanted at 263 iba pang pinaghahanap ng batas.

Kaugnay ng pagsuporta sa layunin ng pamahalaan na wakasan ang lokal na armadong tunggalian, 28 katao na may kaugnayan sa kilusang komunista ang kusang sumuko. Kabilang dito ang 5 CPP-NPA, 17 miyembro ng mga front organizations, 4 NPA in Barrios, at 2 mula sa Underground Mass Organizations.

Patuloy ring pinapabuti ni PBGEN Reyes ang internal na kalagayan ng organisasyon sa pamamagitan ng pagpapahusay sa firearms proficiency, kalusugan ng mga tauhan, at mahigpit na pagpapatupad ng 5-minute response time sa 911 calls.