Dagupan City – Nakasamsam ang Police Regional Office 1 (PRO1) katuwang ang PDEA RO1 ng may P158,660,599.40 halaga ng ilegal na droga sa loob lamang ng isang linggo mula Enero 15 hanggang 21, 2026.
Nagsagawa ang PRO1 ng 28 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 28 indibidwal.
Nakumpiska ang 114.02 gramo ng shabu, 156,050.77 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 583,108 piraso ng tanim na marijuana, at 211,814 piraso ng punla.
Kabilang din dito ang tatlong operasyon ng marijuana eradication kung saan nasamsam ang 70,320 piraso ng tanim na marijuana.
Ayon sa PRO1, ang tagumpay na ito ay bunga ng mahigpit na pagsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, at sa patnubay ni Acting Chief Philippine National Police, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Pinuri rin PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO1 ang dedikasyon ng mga operatiba sa matagumpay na pagpapatupad ng mga operasyon at inatasan ang lahat na ipagpatuloy ang pinaigting na kampanya para sa kaayusan, habang tinitiyak ang paggalang sa karapatang pantao.










