DAGUPAN CITY- Naglatag ng makabuluhang mga tagumpay ang Police Regional Office 1 (PRO1)sa kampanya kontra ilegal na droga at smuggling matapos maitala ang serye ng matagumpay na operasyon sa iba’t ibang lalawigan sa Rehiyon 1 noong nakaraang taon, 2025.
Ayon kay PBGEN Dindo Reyes, Regional Director ng PRO1, naging epektibo ang pinaigting na operasyon ng kapulisan lalo na sa laban kontra ilegal na droga, kabilang ang shabu at marijuana, pati na rin sa pagpigil sa smuggling ng mga ilegal na sigarilyo sa rehiyon.
Malaki aniya ang naitulong ng mga anti-illegal drug operations sa Pangasinan kung saan marami ang naarestong sangkot sa bentahan ng shabu.
Sa Ilocos Sur naman, matagumpay ang operasyon laban sa malawakang pagtatanim at eradication ng marijuana.
Isa rin sa mga itinuturing na malaking accomplishment ay ang pagkakasamsam ng tinatayang walong milyong pisong halaga ng mga ilegal na sigarilyo sa bayan ng Labrador, Pangasinan.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagmula ang mga kontrabando sa Metro Manila at ipinasok lamang sa rehiyon.
Dahil sa pinaigting na intelligence operations at impormasyong mula sa komunidad, nasabat ang sindikato at naaresto ang dalawang Chinese national.
Ayon kay Reyes, napag-alaman din na magkakaiba ang pinanggalingan ng mga ilegal na droga at sigarilyong nasamsam.
Sa mga ilegal na droga, may nakitang Chinese markings sa mga pakete na indikasyon ng foreign source, habang ang iba ay may hiwalay na ruta ng distribusyon batay sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Samantala, matatandaan na sa isang malaking drug operation, umabot sa 895 kilo ng ilegal na droga ang nasamsam sa isang bahay, kung saan kinasuhan ang may-ari ng bahay at ang mga sangkot na miyembro ng sindikato, kabilang ang isang foreign national at isang Pilipino.
Sa kaso naman ng ilegal na sigarilyo, kinasuhan na ang dalawang Chinese national sa Labrador pati ang mga sangkot sa Dagupan City.
Patuloy ang koordinasyon ng PRO-1 sa Bureau of Customs upang lalong patibayin ang mga kasong isasampa laban sa mga sangkot.
Patuloy ding sinisiyasat ng mga awtoridad kung may koneksyon ang mga nasabat na kontrabando sa mas malawak na network ng distribusyon at bentahan sa rehiyon.










