DAGUPAN CITY- Mariing tinutulan ng Sandigan Philippines ang Privatization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sapagkat ito ay magpapahirap sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rechilda Desunia, Vice Chairperson ng nasabing grupo, isang kalokohan lamang ang sinabi umano ng gobyerno na hindi nito maaapektuhan ang mga OFW.
Aniya, sa gagawing privatization ay lalong hindi nila mararamdaman ang pagiging bagong bayani ng mga OFW.
Kanilang kahilingan sa Supreme Court na baliktarin ang desisyon at katigan ang mamamayan.
Giit ni Desunia na malinaw itong pakikipagsabwatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Ramon Ang at tanging si Ang lamang ang makikinabang sa nasabing privatization.
Saad pa ni Desunia na walang kahalagahan ang pagbebenta nito sapagkat umaabot naman aniya sa P30 billion ang kinikita ng NAIA taon-taon.
Hindi rin umano ito dumaan sa ‘due process’ at dapat lamang na tanungin muna ang mga mamamayang Pilipino bago ito isulong.
Samantala, sama-samang nanawagan ang iba’t ibang organisasyon sa harapan ng Supreme Court para ipanawagan na baliktarin ang desisyong pagsapribado ng NAIA.
Ani Desunia, patuloy silang mananawagan hangga’t pakinggan sila upang ipaglaban ang hinaing ng mga OFW.










