BOMBO DAGUPAN – Ikinagagalak ng Private Healthcare Workers Network ang panawagan ni Senador Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bayaran ang utang ng gobyerno sa health emergency allowance (HEA) ng mga health workers na itinuturing na pandemya.
Una nang ipinananawagan ng iba’t-ibang medical organizations and societies kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipag-utos ang pagbabalik ng halos P90 billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa national treasury matapos ang kuwestiyoning paglilipat nito noong nakaraang taon.
Ayon kay Jao Clumia, spokesperson, Private Healthcare Workers Network, maigi na ito kaysa mapupunta lamang ang nasabing pondo sa mga unprogrammed project ng mga pulitiko.
Sinabi ni Clumia na para mapakinabangan ay ibigay sa mga healthcare workers lalo na sa mga nanilbihan noong pandemya dahil hanggang ngayon ang P27. 4 billion na ipinangako ni pangulong Ferdinand Bongbong Marcos bago ang kanyang state of the nation address ay iilan lang na ospital ang nakakatanggap.
Aniya, nakatakda silang lumiham sa Department of Health upang ifollow up sa ahensya ang pondo para sa health emergency allowance ng mga healthcare workers. Ito ay matapos hindi pa sinasagot ni DOH sec. Ted Herbosa ang kanilang naunang sulat noong nakalipas na Linggo.
Una rito sinabi ni Poe na base sa presentasyon ni Finance Secretary Ralph Recto sa ginanap na second briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Finance panel, lumalago ang kita ng PhilHealth mula P4 billion noong 2019; P30 billion sa 2020; P48 billion sa 2021; at P79 billion sa 2022.