DAGUPAN CITY- Nagpatupad ng price freeze ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa pagdeklara ng state of calamity sa ilang mga lugar, kabilang na ang syudad ng Dagupan, matapos ang sunod-sunod na pagdaan ng bagyo.

Ayon kay Natalia Dalaten, Provincial Director ng naturang ahensya sa lalawigan, tatagal ang price freeze ng 60 araw mula sa araw ng deklarasyon.

Aniya, matatapos ito sa syudad ng Dagupan sa ika-24 ng Disyembre, habang ika-25 naman ng parehong buwan sa bayan ng Bani at Anda.

--Ads--

Ito ay may kabuoan na halos isang buwan nang simulan ito sa mga lugar matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine.

Batay naman sa pagsusuri ng kanilang tanggapan, wala pang naitatalang lumabag sa ipinag-uutos na price freeze sa mga apektadong lugar.

Samantala, kasama sa mga nasasakupan ng price freeze ang mga pangunahing bilihin tulad ng delata, processed milk, detergent, at iba pang mga pangangailangan ng mga residente tulad ng bigas, kape, asukal, asin at iba pa at kabilang din ang mga karne ng baboy, manok at mga isda . Habang ang mga produkto naman para sa konstruksyon, tulad ng semento at bakal ay nasa ilalim din ng naturang panukala.

Nanawagan si Dalaten sa mga negosyante at vendors na sumunod sa itinakdang Suggested Retail Price (SRP). Aniya, kung may mga mamimili na makakapansin ng paglabag, maaari silang mag-report agad sa kanilang tanggapan upang matugunan at mapanagot ang sino mang lalabag sa ipinatupad na price freeze sa mga apektadong lugar.