BOMBO DAGUPAN – “Mahusay itong ipinataw ng ombudsman.”
Yan ang naging saad ni Atty. Francis Abril, Lawyer sa preventive suspension na hatol kay Bamban Tarlac Mayor Alice Guo. Ito ay sa patuloy paring imbestigasyon at pagdinig sa kanyang tunay na pagkakakilanlan kung tunay nga ba siyang pilipino o hindi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Abril aniya ay isang mahusay na paraan itong ipinataw ng ombudsman na preventive suspension sa nasabing mayor upang malayang mabusisi ang kanyang tunay na pagkatao, gayundin upang magkaroon ng masusing imbestigasyon para malaman kung sino ba ang dapat managot.
Sa ilalim nga ng preventive suspension ay hindi na siya maaring pumasok,ang kanyang mga benefits ay hindi niya na maa-avail gayundin ay magiging hands-off na siya sa isasagawang imbestigasyon.
Kaugnay nito ay binigyang diin din ni Atty.Abril na dapat maamyendahan ang late registration sa PSA upang wala ng makalusot ng kaparehong kaso ni Mayor Guo.
Samantala, sakali mang mapatunayan na siya ay hindi nga totoong Filipino citizen ay karapatan ng Republika ng Pilipinas na tanggalin ang mga nailoklok sa pwesto na hindi naman talaga Pilipino.
Tinawag nga din niya na “red flag” umano ang mga naging kasagutan ni Mayor Guo, sa naging pagdinig sa senado na tila nahihirapan siyang sumagot ng diretso sa mga naging katanungan sakanya.