BOMBO DAGUPAN — Lalo pang tumitindi ang presyon kay US President Joe Biden kaugnay sa pagpapahintulot sa Ukraine na gamitin ang West-supplied weapons para atakihin ang Russia.
Ilang kaalyadong bansa ng Estados Unidos ang nagpahayag nitong linggo ng senyales na bukas sila sa posibilidad na pahintulutan ang paggamit ng West-supplied weapons para sa nagpapatuloy na opensiba at operasyon ng Ukraine sa Russia.
Ito ay sa gitna ng mga babala ni Russian President Vladimir Putin na magkakaroon ng seryosong kahihinatnan ang hakbangin na ito lalo na sa mga tinawag nitong “maliliit na bansa” sa Europa.
Nitong Miyerkules, inihayag ni US Secretary of State Antony Blinken ang katayuan ng bansa sa isapin at sinabi nito na maga-adapt at maga-adjust ang Washington base sa magiging mga pagbabago sa kondisyon ng sagupaan sa pagitan ng dalawang bansa. Sa kasalukuyan ay nasa kabisera ito ng Czech Republic, Prague, para sa pagpupulong kasama ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) foreign ministers.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman si White House national security spokesman John Kirby nito ring Miyerkules na bagamat ang suporta ng US sa Kyiv ay nagbago, “nananatili namang walang pagbabago sa kanilang polisiya”.
Matatandaan na sa kasalukuyan ay nahihirapan ang Ukraine laban sa opensiba ng Russia sa silangan ng bansa, habang ang lungsod ng Kharkiv ay dumanas ng magkakasunod na linggo ng mga nakamamatay na pagatake na madalas ay inilulunsad ng Russia mula sa mga military outposts malapit sa Ukrainian border.