Inaasahan na ang pagsisimula ng pagbaba ng presyo ng sibuyas sa katapusan ng Pebrero dahil sa nalalapit na harvest season.
Ayon ‘yan sa Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na si Engr. Rosendo So.
Aniya pag-uusapan pa lamang ng kanilang kagawaran kasama ang Department of Agriculture (DA) kung ano ang magiging retail price ng lokal na sibuyas ngunit nakasisiguro namang bababa ang presyo nito sa merkado lalo na sa mga buwan ng Marso at Abril.
Nagkaroon lamang daw ng pagtaas ang presyo nito makaraang taon dahil maliit ang volume ng pag-aani sa mga buwan ng Disyembre hanggang Enero kung kaya’t kinakailangang mag-import nito.
Saad nito na nasa P125 na lamang ang retail price ng pulang sibuyas sa lungsod ng Manila habang ang puting sibuyas ay nasa P70 hanggang P90 sa lalawigang Pangasinan.
Mas mababa aniya ang presyuhan ng puting sibuyas dahil ito ang mayroong tuluy-tuloy na pag-ani.
Sampu hanggang labing dalawang metrikong tonelada ang inaasahang maaani ng mga magsasaka na magpapahiwatig din ng pagbaba ng puhunan ng mga ito.