DAGUPAN CITY- Nararanasan na ngayon ng mga magsasaka sa Nueva Ecija ang pagtaas sa presyo ng palay kung saan naibebenta na nila ito sa halagang P17.50.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, magsasaka sa Guimba, Nueva Ecija, hinihintay lamang nila ang ibibigay na schedule ng National Food Authority (NFA) upang bilhin ang kanilang palay at kung minsan pa, lalo na kung fresh pa ito, ay umaabot ito sa halagang P18.
Kaya sa ngayon ay kanilang hinihiling na mabigyan pa ng pamahalaan ang NFA ng sapat na kapangyarihan na bumili pa ng mga palay at ibenta ito agad sa Local Governement Unit (LGU) at sa pamilihan kapag naging bigas na.
Gayunpaman, nalilimitahan ang NFA na magawa ito dahil sa epekto ng Rice Tarrification Law.
Giit ni Cabuyaban, dapat lamang na amyendahan ito at mas pagtuonan ng pansin ang pagpapabuti sa lokal na agrikultura ng bansa.
Dagdag pa ni Cabuyaban, handa siyang maging tulay sa mga magsasaka ng Pangasinan upang makabenta rin ang mga ito ng mataas na halaga ng palay.
Sa kasalukuyan ay nananatiling mababa ang halaga ng palay sa lalawigan at umaabot lamang ito ng P14.