Dagupan City – Dumaranas ng matinding pagsubok ang mga nagtitinda ng manok sa Lungsod ng Dagupan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kanilang paninda.

Ayon kay Bambino Alvindia, isang vendor, bumaba na ang kanilang benta dahil nag-aalangan na ang mga mamimili sa mataas na presyo.

Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang kakulangan ng suplay ng manok, na maaaring dulot ng panahon at ng pagtaas ng presyo ng mga pangangailangan sa pagpapalaki ng mga ito. Dahil dito, mas pinipili na rin ng ibang mamimili ang pagbili ng frozen chicken upang makatipid.

--Ads--

Mula sa dating ₱190-₱200 kada kilo, pumalo na sa ₱220 ang presyo ng manok, at posible pang tumaas sa susunod na linggo ayon sa mga vendor.

Ayon naman kay Myrna, isa ring tindera, ramdam na nila ang pagkalugi mula pa noong Disyembre. Hindi na umano nila alam kung saan nanggagaling ang presyuhan, ngunit patuloy pa rin silang nagtitinda sa pag-asang babalik sa normal ang presyo.

Nanawagan ang mga vendor na sana ay bumaba na ang presyo ng manok upang muling lumakas ang kanilang kita at makabawi sa matagal nang pagkalugi.