Dagupan City – ‎Patuloy ang pagbaba ng presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan sa Dagupan City ngayong unang bahagi ng taon, ayon sa mga tindero at mamimili sa lungsod.

‎Sa pinakahuling monitoring sa mga pampublikong palengke, bumaba ng ilang piso kada kilo ang presyo ng kasim, liempo at pigue kumpara noong mga nakaraang buwan. Ayon sa ilang meat vendor, mas naging abot-kaya ang bentahan dahil sa pagdami ng suplay ng baboy na dumarating sa lungsod.

‎Ilan sa mga dahilan na nakikita ang mas mataas na delivery mula sa mga lokal na magbababoy sa Pangasinan at karatig-lalawigan, gayundin ang patuloy na pagpasok ng imported pork products. Dahil dito, naging mas stable ang suplay at nabawasan ang kakulangan na naranasan noon.

‎Malaking ginhawa naman ito para sa mga mamimili sa Dagupan, lalo na sa mga pamilyang araw-araw bumibili ng karne para sa kanilang pagkain. Gayunman, may ilan pa ring nagsasabing hindi pa rin ito kasing baba ng presyo bago tumama ang African Swine Fever sa industriya ng pagbababoy.

‎Sa panig ng ilang hog raiser, hamon naman ang pagbaba ng farmgate price dahil maaaring maapektuhan ang kanilang kita. Kaya panawagan nila ang maayos na balanse sa pagitan ng sapat na suplay at tamang presyo upang hindi malugi ang lokal na produksyon.

‎Patuloy namang mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya at ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang galaw ng presyo at suplay sa mga pamilihan upang matiyak ang sapat at abot-kayang karne ng baboy para sa mga residente sa mga susunod na buwan.