DAGUPAN CITY- Nananatiling stable ang presyo ng karne ng baboy at manok sa mga pamilihan sa Dagupan City sa kasalukuyan, ngunit inaasahang tataas ito sa pagdating ng Pasko at bagong taon.
Ayon kay Teresita Edgar, tindera ng karne ng baboy at manok sa McAdore Public Market, nasa 180-190 pesos ang kada kilo ng manok at 330-340 pesos naman ang kada kilo ng baboy.
Aniya, matumal pa ang bentahan dahil wala pa masyadong pera ang mga tao at mataas din ang presyo ng ilang mga gulay at iba pang bilihin.
Dagdag pa niya, mas mababa ang presyo nila dahil nakadirekta sila sa kanilang pinagkukunan ng karne, habang ang mga tindera sa Malimgas Public Market ay umaangkat pa sa kanila kaya medyo may kataasan ang presyo.
Kinumpirma naman ni Magi, tindera ng karne ng baboy sa Malimgas Public Market, na nasa 370-380 pesos ang presyo ng kanilang baboy kung saan katulad ni Teresita, sinabi rin ni Magi na matumal pa rin ang bentahan.
Gayunpaman, inaasahan umano na magtataas ng halos sampung piso ang mga presyo ng karne sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon dahil sa inaasahang pagtaas ng demand.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pork products sa bansa sa kabila ng import ban na ipinatupad sa bansang Spain dahil sa outbreak ng African Swine Fever.
Ayon sa DA, walang dapat ikabahala ang mga mamimili na magkukulang ang suplay nito sa merkado ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon.










