DAGUPAN CITY- Patuloy ang bahagyang pagbaba ng presyo ng kamatis sa ilang pamilihan sa bayan ng San Jacinto, kasabay ng pagsisimula ng harvest season sa mga taniman sa iba’t ibang barangay.
Ramdam ito ng mga mamimili na umaasang mas magiging abot-kaya ang presyo ng gulay, habang maingat namang tinataya ng mga magsasaka kung sapat ang kikitain upang mabawi ang kanilang puhunan.
Ayon kay Arturo Prestoza, isang tomato grower mula sa barangay Casibong, dalawang araw na mula nang magsimula ang kanilang pag-aani.
Sa kasalukuyan, maayos pa ang kondisyon ng kanilang mga kamatis, parehong sa kalidad at sa dami ng ani.
Wala pa umanong nakikitang malaking problema sa pananim, dahilan upang manatiling positibo ang kanyang pananaw ngayong panahon ng anihan.
Bagama’t hindi kalakihan ang lawak ng kanyang taniman, malaki pa rin ang naging puhunan ni Prestoza sa produksyon.
Kabilang dito ang gastos sa binhi, pataba, pestisidyo, at iba pang pangangailangan sa pangangalaga ng pananim.
Dahil dito, mahalaga para sa kanya na maging sapat ang presyo ng bentahan upang hindi malugi at magkaroon pa ng pondo para sa susunod na pagtatanim.
Samantala, ayon sa ilang nagtitinda sa pamilihan, ang pagbaba ng presyo ng kamatis ay dulot ng pagdami ng suplay ngayong sabay-sabay na nag-aani ang mga magsasaka.
Bagama’t pabor ito sa mga mamimili, nangangamba naman ang ilang growers na posibleng makaapekto ito sa kanilang kita kung patuloy pang bababa ang presyo sa mga susunod na linggo.
Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan at mga kaugnay na ahensya ang galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang gulay, upang matiyak na patas ito para sa parehong mamimili at magsasaka.
Hinihikayat din ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa mga kooperatiba at lokal na merkado upang mas mapalawak ang oportunidad sa pagbebenta ng kanilang ani.
Sa ngayon, nananatiling umaasa ang mga tomato grower sa San Jacinto na magiging sapat ang kita ngayong harvest season, lalo na kung mananatiling maganda ang ani at magiging balanse ang presyo sa pamilihan.









