DAGUPAN CITY- Nakitaan na ng pagbaba sa presyo ng kamatis sa ilang Public Market sa lalawigan ng Pangasinan ngayon linggo.
Ayon sa mga nagtitinda, bumaba na ang presyo ng kamatis mula sa dating P100-P200 kada kilo, at ngayon ay nasa P50-P80 na lamang ang halaga nito, depende sa kalidad, oras, at lugar ng pagbebenta.
Para kay Bryan Bocalyo, tindero sa Dagupan City Public Market, naibebenta nila ang kamatis mula P50-P60 sa madaling araw dahil ang mga kadalasang bumibili sa mga oras na ito ay mga nagtitinda rin sa talipapa.
Kanila naman itong nababawi mula alas 8 ng umaga sa pamamagitan ng pagbebenta nito sa halagang P80.
Aniya na bumababa man ang presyo ng kamatis ngunit paunti-unti pa rin ang kinukuha nilang supply nito.
Nasa 250-300 kilos ang kanilang kinukuha na kaya nilang iubos sa isang araw.
Dagdag pa niya na wala umanong problema sa supply dahil marami na ang nagsusulputang supplier mula sa bayan ng Bayambang, Mangaldan, at Malasiqui.
Nagbigay naman ito ng ginhawa sa mga bulsa ng ilang mamimili, lalo na sa mga araw na mas mataas ang demand sa mga gulay.
Para naman kay Marissa Velasquez, tindera sa Malimgas Public Market, ang presyo ng bentahan ng kanilang kamatis ay mula P60-P70 kada kilo.
Sa ngayon aniya ay matumal ang bentahan, at kung ikukumpara ito sa mga nakaraang buwan na tumaas ang presyo nito, mas mabilis at mas maganda ang kanilang kitaan.
Kagaya ni Bocaloy na kaunti lang din sila kumuha ng supply, na kanilang inaangkat sa syudad ng Urdaneta.
Tinitiyak nila na kalidad ang mga kamatis na kanilang binibili, ngunit nakakakuha pa rin sila ng hindi kagandahan na kamatis dahil maaari pa rin nila itong ibenta sa mas mura namang halaga.
Samatala, inaasahan naman na patuloy ang magandang ani at suplay na magpapatuloy sa mga susunod na linggo, kaya’t posibleng manatili ang mababang presyo ng kamatis sa lalawigan.
Ang ilang mga konsumer naman ay umaasa na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng iba pang mga gulay at pangunahing bilihin upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.