DAGUPAN CITY- Unti-unti nang bumababa ang presyo ng kamatis kung ikukumpara noong mga nakaraang lingo dahil sa pagbaba ng demand sa gitna ng kakulangan ng suplay.

Ayon sa ilang mga vendor nang naturang kamatis, isa sa mga dahilan ng biglaang pagtaas ng presyo nito ay ang kakulangan sa suplay. Dahil dito, tumaas ang presyo ng kamatis na nagdulot ng aberya sa mga mamimili.

Ayon naman kay Carlos Tuquero Jr., ang kanilang mga kamatis ay galing pa sa lalawigan ng Nueva Vizcaya. Aniya, dito nagkakaproblema sa produksyon ng kamatis, kaya’t tumaas ang demand at naging dahilan ng pagtaas ng presyo.

--Ads--

Dagdag pa niya, mula pa noong holiday season, nang magsimula ang pagtaas ng presyo ng kamatis, ngunit kahit ganito, may ilang mamimili pa ring bumibili.

Sa ngayon, ang presyo ng kamatis ay bumaba na sa 160 pesos kada kilo mula sa dating 240 – 300 pesos noong buwan ng Disyembre. Bagamat bumaba ang presyo, hindi pa rin ito ang normal na presyo na inaasahan ng mga mamimili.

Samantalang bumaba rin ang presyo ng siling labuyo mula sa 800 pesos kada kilo ay naging 300-400 pesos na lamang. Halos sabay na tumaas ang presyo ng kamatis at sili noong nakaraang buwan, pero dahil bumaba ang demand, unti unti nang bumabalik sa normal nitong presyo.

Gayunpaman, may ilan pa ring mamimili ang hindi kuntento at naghihintay pa ng mas mababang presyo.