DAGUPAN CITY — “Mga ginto.”

Ganito isinalarawan ni Dennis de Guzman, isang tindero ng mga itlog, ang pagtaas ng bentahan ng kada tray ng nasabing produkto sa Malimgas Market sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

--Ads--

Aniya na kumpara ng mga nakaraang taon, mas mataas ang idinagdag sa presyo ng itlog ngayon kung saan ay tatlong beses sa isang linggo kung magbago ang presyo sa bentahan ng mga ito at pumapatak ito ng 5 pesos hanggang 15 pesos ang dagdag singil sa bawat tray.

Saad pa niya na maliban sa magkakasunod na pagtaas sa presyo ng mga itlog ay inaabiso rin sa kanila na maaari pang mas tumaas ang dagdag singil sa naturang produkto sa mga susunod pang linggo lalo na’t papalapit na ang pagdiriwang ng kapaskuhan.

Dagdag pa ni De Guzman na isa sa nakikitang dahilan ng pagbago ng presyo ay ang mga ipinapakaing mga feeds sa mga manok at gayon na rin ang pagkakaroon ng bird flu sa ilang lugar, gaya ng Bulacan na pangunahing pinagkukunan ng supply ng mga itlog, na naging dahilan upang magsara ang ilang farm at magkulang ang supply ng mga itlog.

Kaugnay nito ay ikinatuwa naman nila ang pagiging tapat ng mga supplier ng mga itlog sa kanila patungkol sa pagtaas ng presyo ng mga naturang produkto.

Naglalaro naman sa 9 pesos ang presyo ng malalaking itlog habang ang mga nasa medium size naman ay nasa 8 pesos at ang mga maliliit naman ay nasa 7 pesos bawat piraso, at naglalaro naman sa 6 pesos ang presyo ng organic na itlog. Pati ang presyo ng itlog maalat na dating nasa 10 pesos lamang ngayon ay pumapatak na ng 14-15 pesos.

Habang ang presyo naman ng bawat tray na small kung dati ay nasa 180 ngayon ay pumapatak ng 205-210, ang medium size naman na dating nasa 205 ngayon ay nasa 220-230 kada tray, at ang presyo naman ngayon ng large na itlog kada tray ay nasa 240 pesos na.

Kaugnay nito ay ramdam na hindi lamang ng mga nagtitinda, subalit gayon na rin ng mga konsumer ang patuloy ding pagtaas ng presyo ng mga itlog sa mga pamilihan sa lungsod ng Dagupan.

Sa parehong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Danilo Andaya, isang mamimili sa Malimgas Market sa lungsod, sinabi nito na bumibili na sya ng itlog para mag stock sa kanilang bahay dahil isa ito sa kanilang mga paboritong ulamin, at parte na rin talaga ito ng kanilang pang araw-araw na pagkain.

Aniya na wala na rin silang magagawa kundi sumunod na lamang sa agos ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado at mga pamilihan.

Gayunpaman, nananawagan naman ito na sana ay bumaba na ang presyo ng mga bilihin kasama na rito ang presyo ng itlog, lalo na ngayon na mababa pa rin ang halaga ng pera kumpara sa mga gastusin ng mga ordinaryong mamamayan sa kanilang pang araw-araw na buhay, at nang sa gayon ay hindi rin mahirapan ang mga konsumer.