Dagupan City – Patuloy ang pagtaas ng presyo ng itlog sa ilang pamilihan sa mga probinsya, na ikinababahala ng mga mamimili at tindero.

Mula sa dating anim na piso kada piraso ng small-size na itlog, umaabot na ito ngayon sa walong piso.

Ang medium-size na itlog na dati’y walong piso, umaakyat na sa otso singkwenta. Habang ang large-size na dating walong piso rin ay umaabot na ngayon sa siyam na piso kada piraso.

Ayon sa mga vendors, kapos ang suplay ng itlog nitong mga nakaraang linggo.

Kaya naman, hindi na rin umano sila halos kumikita. Linggo-linggo nilang nararamdaman ang paggalaw ng presyo pataas, dahilan upang malugi ang ilang retailer.

Isa pa sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang pagmahal ng feeds o pakain sa mga manok, na pangunahing dahilan ng pagtaas ng produksyon ng itlog.

Tatlong linggo na raw nararanasan ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo, at inaasahan pang magpapatuloy ito sa mga darating na linggo.

Sa ngayon, umaapela ang mga vendor sa lokal na pamahalaan at sa mga kinauukulan na matulungan silang makaagapay sa patuloy na taas-presyo ng itlog.

--Ads--