Dagupan City – ‎Tumaas ng 20 hanggang 40 piso kada kilo ang presyo ng iba’t ibang uri ng karne sa MangaldanPublic Market sa Pangasinan, batay sa pinakahuling monitoring ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga produktong may paggalaw sa presyo ang baboy, manok, at baka mga pangunahing bilihin na madalas laman ng hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Ayon sa mga tindero, may kinalaman sa pagtaas ang tumataas na gastos sa produksyon, kabilang na ang halaga ng feeds, transportasyon, at iba pang operational na bayarin.

Dahil dito, nag-aalalang muli ang mga mamimili na baka hindi na kayanin ang dating dami ng binibiling karne, lalo na ang mga pamilyang may limitadong budget. May ilan na nagsisimula nang mag-adjust ng kanilang menu, habang ang iba ay lumilihis muna sa pagbili ng karne at tumutuon sa mas murang alternatibo.

Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan na patuloy nilang imo-monitor ang presyuhan sa palengke. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga supplier at ahensya ng gobyerno upang matukoy kung may kakailanganing hakbang para mapanatili ang abot-kayang presyo ng karne sa lugar.

Bagamat pansamantala pa ang obserbasyong ito, inaasahang maaapektuhan nito ang kabuuang galaw ng konsumo sa mga darating na linggo, lalo na kung hindi agad mabibigyang lunas ang sanhi ng pagtaas.