Apektado ang presyo ng mga bilihin sa panibagong oil price hike dahil sa gastos sa transportasyon, produksyon, at agrikultura na umaasa sa petrolyo para ihatid ang mga produkto mula sa bukid at pabrika hanggang sa mga pamilihan.

Sa isda, naglalaro sa P160 hanggang P200 ang kada kilo ng bangus, habang nasa P120 hanggang P150 naman ang tilapia. Ang galunggong naman ay umaabot sa P180 hanggang P240 depende kung lokal o imported. Sa karne, ang baboy ay naglalaro sa P320 hanggang P400, habang ang buong manok ay nasa P180 hanggang P210.

Samantala, sa mga gulay na madalas i-sangkap sa kusina, parehong nasa P80 hanggang P100 ang sitaw at talong; P80 hanggang P120 ang pechay, repolyo, at sibuyas; P60 hanggang P90 ang kamatis; at P90 hanggang P130 naman ang kilo ng bawang.

--Ads--

Reklamo nga ni Abel Manansala, isang mamimili at nagpapatakbo rin ng maliit na negosyo ng paresan, halos wala na silang kinikita dulot ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin kasabay ng pagsipa rin ng mga produktong petrolyo.

Inaasahang aabot hanggang Disyembre ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Garin. Gayunpaman, tiniyak ng DOE na hindi aabot sa P20 kada litro ang dagdag-presyo sa bawat paggalaw nito.