Dagupan City – Bumaba na ang presyo ng bangus sa Pangasinan.
Ito ang kinumpirma ni Christopher Aldo Sibayan, presidente ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan, kung saan aabot na ito sa ₱230-₱240 kada kilo o kung minsan ay nasa ₱190-₱200 kada kilo.
Ayon kay Sibayan, inaasahan nilang magiging mas stable ang suplay ng bangus sa mga susunod na linggo dahil sa harvest season.
Gayunman, nilinaw niya na hindi lamang ulan o taas ng tubig ang sukatan ng produksyon, kaya’t patuloy pa rin ang pagsusuri sa posibilidad ng pagtaas o pagbaba ng suplay.
Sa usapin ng kalidad, binigyang-diin ni Sibayan na dekalidad pa rin ang bangus sa Pangasinan at ang kaibahan na lamang sa ibang lugar ay timbang at laki.
Hindi lamang aniya bayan ng Binmaley ang apektado ng pagbaba ng produksyon kundi maging ang ibang bayan sa lalawigan.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang makapagbigay ng karampatang tulong sa mga apektadong magbababangus.
Ayon kay Sibayan, malaki kasi ang ibinaba ng produksyon dahil sa matataas na lebel ng baha na sumira sa mga fingerlings, dahilan upang manawagan siya sa pamahalaan na palakasin ang suporta sa sektor ng aquaculture, lalo na sa aspeto ng disaster preparedness at flood mitigation.
Isa sa mga inihahandang programa ng samahan ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon, kaya’t umaasa silang magkakaroon ng agarang aksyon at resulta mula sa mga kinauukulan.