Patuloy ang masusing pagbabantay sa presyo ng bangus at galunggong ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) sa pamumuno ni Aldo Sibayan upang matiyak ang patas na presyuhan at mapangalagaan ang kita ng mga mangingisda.

Regular na sinusuri ng samahan ang galaw ng presyo sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Fisheries Office at sa kanilang mga miyembro na nagbibigay ng aktuwal na datos mula sa mga pamilihan at consignation areas.

Nakikita ang paggalaw ng presyo lalo na sa Dagupan at sa iba pang pangunahing bagsakan ng isda gaya ng Navotas at Malabon.

--Ads--

Ayon sa samahan, ang inaasahang pagbubukas ng open season para sa catch fisheries ay maaaring magdulot ng pagtaas ng suplay ng galunggong at iba pang huling isda, na posibleng makaapekto sa presyo sa merkado at magbigay ng mas magandang oportunidad sa mga mangingisda.

Pinagtitibay din ng SAMAPA ang tuloy-tuloy na dayalogo sa kanilang mga kasapi, kung saan bukas ang kanilang komunikasyon para sa agarang pagtanggap ng mga opinyon, suhestiyon, at katanungan kaugnay sa kalagayan ng industriya ng bangus at galunggong sa lalawigan.