Dagupan City – Sa patuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang linggo, apektado na ang kalidad ng mga gulay sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa ilang magsasakang nagtatanim ng gulay.
Dahil sa labis na tubig sa lupa, nabubulok ang mga ugat at dahon ng ilang pananim gaya ng repolyo, pechay, sitaw, at talong. Nagiging malambot at mabilis masira ang mga ani, dahilan para bumaba ang kalidad ng mga ito pagdating sa mga pamilihan.
Bukod sa pagkasira ng pananim, apektado rin ang ani ng mga magsasaka. Ang dating malalaking volume ng ani ay nabawasan, kaya’t kapansin-pansin na rin ang pagtaas ng presyo ng ilang gulay sa ilang palengke. May mga lugar na nagtaas ng hanggang 20 hanggang 30 porsyento sa presyo ng kada kilo.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng inspeksyon at konsultasyon ang ilang lokal na opisina ng agrikultura upang matulungan ang mga apektadong magsasaka. Kabilang sa mga posibleng solusyon ang paglalaan ng drainage systems sa mga taniman at pagbibigay ng teknikal na tulong para sa mas matibay na pagtatanim kahit tag-ulan.
Bagamat pansamantala ang epekto ng masamang panahon, umaasa ang mga magsasaka at lokal na pamahalaan na agad itong maaagapan upang mapanatili ang suplay at kalidad ng gulay sa mga pamilihan.