Dagupan City – Sinabi ni Constitutional Law expert Atty. Joseph Emmanuel Cera na tila nagdulot ng intimidation ang presensya ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial, partikular sa mga senator-judge at prosecution panel.

Ayon kay Cera, may usapin din sa naging resolusyon ng Senado hinggil sa dalawang-katlong boto o 2/3 requirement para sa conviction o acquittal, kung saan iginiit na dapat 16 senador ang maging batayan sa bilang ng kinakailangang boto, alinsunod umano sa Konstitusyon.

Paliwanag niya, maaaring kuwestiyunin sa Supreme Court ang naturang usapin, ngunit posible umanong ma-dismiss ang petisyon kung ituturing itong premature dahil ang naghain nito ay mga private prosecutor na hindi direktang bahagi ng impeachment proceedings.

--Ads--

Dagdag ni Cera, kailangang may aktuwal at umiiral na isyu na dapat resolbahin ng Supreme Court bago ito makialam sa isang kaso, bagama’t maaari pa ring magsampa ng petisyon ang sinumang nais kumuwestiyon sa naturang usapin.

Samantala, kaugnay ng posibilidad na tumakbo si Baste Duterte sa pagkapangulo at maging posibleng substitute candidate sa 2028, sinabi ni Cera na naging kapansin-pansin ang presensya nito sa impeachment trial. Ipinaliwanag din niya ang Arias Doctrine, na umano’y in-invoke ni Baste sa kaniyang naging testimonya.