DAGUPAN CITY- Kumilos agad ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO) sa mga bayan ng Calasiao at Sta. Barbara sa Ikatlong Distrito ng Pangasinan sa gitna ng patuloy na banta ng Bagyong Nando, sa pamamagitan ng masinsinang koordinasyon, paghahanda ng mga kagamitan, at pagbabantay sa mga ilog at mabababang lugar.

Sa Calasiao, tuloy-tuloy ang monitoring ng MDRRMO katuwang ang iba’t ibang departamento, partner agencies, at response clusters upang matiyak ang kaligtasan ng buong bayan.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng ahensya, muling sinuri ang naging epekto ng mga nagdaang bagyo, partikular sa bilang ng mga inilikas, at isinagawa ang mga hakbang upang hindi na ito maulit.

--Ads--

Aniya na mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang maagang paglikas, lalo na sa mga barangay na madaling bahain kapag umapaw ang Marusay River.

Sa ngayon, nasa 6.4 feet above normal level ang tubig sa ilog ngunit hindi pa ito kritikal.

Gayunpaman, nananatiling alerto ang mga opisyal at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay.

Wala pang naitatalang malawakang pagbaha, ngunit nakatakda nang magsagawa ng massive dredging at river clean-up katuwang ang pamahalaang panlalawigan.

Samantala, sa Sta. Barbara, agad namang naglatag ng mga hakbang si MDRRMO Head Raymondo Santos sa pakikipagtulungan ng PNP, BFP, at mga opisyal ng barangay.

Ayon kay Santos, handa na ang mga tauhan at kagamitan, habang mahigpit na binabantayan ang tubig sa Sinucalan River na nasa 5.6 meters na ang taas.

Bagamat hindi pa malakas ang ulan at mababa pa ang tubig sa ilog, inaasahang maaapektuhan ang ilang kalapit na barangay.

Aniya na alam na ng mga residente ang mga hakbang na dapat gawin sakaling lumala ang sitwasyon, at naka-standby na rin ang mga gamit para sa mabilis na clearing sakaling magkaroon ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig.

Matatandaang isinagawa na rin ang clearing operations sa Marusay Creek noong nakaraang buwan.

Tuloy-tuloy ang pagbabantay ng mga nasabing MDRRMO sa panahon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng inaasahang pag-ulan dala ng bagyo.