Dagupan City – Binigyang-linaw ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert at political analyst, na kahit pa may ibinigay na ebidensya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), kinakailangan pa ring dumaan sa preliminary investigation ang anumang kaso.

Aniya, hindi maaaring agad maglabas ng warrant of arrest dahil may due process at procedural rights na dapat sundin para sa mga akusado.

Ayon pa kay Cera, maaaring ma-question ang proseso kung agad na maaaresto ang mga personalidad kahit na hindi pa nakukumpleto ang mga dokumento ng imbestigasyon.

--Ads--

Sinabi nito na ito ang dahilan kung bakit binabatikos ngayon ang administrasyon dahil tila naminamadali ang mga hakbang at nashi-shortcut ang legal na proseso.

Sa kasalukuyan, ang mga naaresto ay mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), habang ang mga sangkot umano mula sa Sunwest Group of Companies ay hindi pa natutunton dahil nagtatago ang mga ito.

Binigyang-diin din ni Cera na hindi sapat ang testimonya lamang sa ganitong kaso.

Dahil aniyam kinakailangan dapat na may paper trail na maipapakita upang hindi ito madaling ma-debunk o ma-dismiss.

Samantala, hinggil naman aniya sa pag-kuwestiyon ng publiko kung bakit mga maliliit na personalidad lamang ang nadadampot at hindi ang mas kilala o mataas ang posisyon, sinabi niito na may kinalaman ito sa kakayahan at kapasidad ng mga malalaking personalidad para umiwas o magtago.

Halimbawa na lamang umano si Zaldy Co, na kasalukuyang nasa Portugal—isang bansang walang extradition treaty o malinaw na hurisdiksiyon ang Pilipinas, dahilan upang hindi siya basta-basta mapabalik upang harapin ang kaso.