DAGUPAN CITY- Isinagawa ng Pangasinan Polytechnic College Center for Lifelong Learning (PPC-CELL) ang programang “Learn to Sign. Hands that Speak.”, isang Micro-Credential Course para sa Basic English at Filipino Sign Language na naglalayong palawakin ang kaalaman at kakayahan sa pakikipag-ugnayan sa mga taong may kapansanan sa pandinig.
Dinisenyo ang programa upang matulungan ang mga estudyante at mga empleyado ng pamahalaan na magkaroon ng batayang kasanayan sa sign language, bilang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng inklusibong komunikasyon at mas maayos na paghahatid ng serbisyo publiko.
Sa pamumuno ni Governor Ramon Mon-Mon Guico III, katuwang ang Pangasinan Polytechnic College at ang Provincial Social Welfare and Development Office – Persons with Disability Affairs Office (PSWD-PDAO), patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang nagbibigay-priyoridad sa kapakanan at karapatan ng mga Persons with Disabilities (PWDs).
Ang “Learn to Sign” ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng lalawigan na lumikha ng isang komunidad kung saan ang bawat isa ay may pantay na pagkakataon na maunawaan, mapakinggan, at mapagsilbihan, anuman ang kanilang kakayahan.










