Nagbigay ng pahayag ang hanay ng mga kapulisan sa bayan ng Pozorrubio ukol sa pagkakaaresto sa suspek na miyembro ng “rent tangay sangla.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Zynon Paiking, Police Officer ng naturang bayan, Agosto pa nakaraang taon nangyari ang insidenteng ito kung saan narentahan ang sasakyang van ng isang residente sa naturang bayan.
Pinangalanan ang suspek na si Jerlyn Cruz, edad bente singko, residente naman ng Baguio City.
Aniya sa social media lamang nagkaroon ng interaksyon ang dalawang panig at nang sinubukan umanong kontakin ang suspek, hindi na ito sumasagot.
Ito ang nagtulak sa biktima upang magsampa ng kaso.
Ayon pa kay PMaj. Paiking, makakasuhan ang suspek ng violation of Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law.
Dagdag pa nito na ito ang unang beses na magkaroon ng kaso ng tangay sangla sa Pozorrubio.
Marami na rin aniyang nabiktima ng naturang suspek.