DAGUPAN CITY- Hindi kinakatigan ng Kontra Daya ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa muling pag-postpone ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election ngayon taon at ilipat sa Nobyembre 2026.
Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, pagpapakita lamang ito ng hindi pagpapahalaga ng mga nasa kapangyarihan sa electoral exercise ng mga tao.
Ayon pa umano sa isang kongresista, magiging mahirap ang halalan sa 2026 dahil kasabay ng BSKE sa parehong taon ang BARMM Elections at Mid-year elections.
Maliban pa riyan, tila nagkakaroon ng pamomolitika sa Barangay at SK officials dahil sa pagpapahaba pa ng termino ng mga ito.
Aniya, ito ay maaaring magdulot ng ‘Domino Effect’ sa iba pang mga opisyal.
Hindi naman itinatanggi ni Arao na may makikinabang pa rin, partikular na sa may mga maayos na paglilingkod, subalit, hindi rin maaalis ang kabaliktaran.
Giit rin niya, kung maging apat na taon man ang termino ng mga ito ay hindi magandang makita na may edad nang bababa sa pwesto ang isang opisyal dahil sa nadaragdagan ang haba ng termino nito.
Bagay na isa sa mga dahilan na kanilang pagtutol sa Charter Change sapagkat, papalakasin lamang nito ang political dynasty sa bansa.