DAGUPAN CITY- Naghahanda na ang mga awtoridad sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa nalalapit na Undas.
Nagsagawa ng paunang pagpupulong ang Municipal Police Station, Public Order and Safety Office o POSO, at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan upang plantsahin ang mga hakbang sa pamamahala ng trapiko at seguridad sa paligid ng mga sementeryo.
Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng POSO Mangaldan, inaasahang magsisimula ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa katapusan ng buwan hanggang sa mismong araw ng paggunita sa Undas.
Bilang bahagi ng paghahanda, ilalapat ang rerouting scheme sa mga pangunahing lansangan at tututukan ang mga lugar na karaniwang nagkakaroon ng pagsisikip ng trapiko.
Isasara rin ang Jimenez Street mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon upang bigyang-daan ang mga bibisita sa sementeryo.
Maglalagay ng karagdagang traffic enforcer at signage sa mga kalsada para gabayan ang mga motorista at pedestrian.
Paalala ng mga awtoridad sa publiko, planuhin nang maaga ang biyahe at iwasang magtungo sabay-sabay upang maiwasan ang pagbara sa daloy ng trapiko.










